Malamig ang reaksyon ng Malacañang sa naging panawagan ni Supreme Court Acting Chief Justice Antonio Carpio na sampahan muli ng reklamo ang China sa International Arbitral Tribunal.
Ito’y makaraang kumpirmahin ni National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr. ang pagsira ng mga Tsino sa yamang dagat na nakapaloob sa Panatag Shoal sa Zambales tulad ng coral reefs at pag-ubos sa mga taclobo o giant clams.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, wala silang balak na idulog muli sa arbitration ang nasabing insidente dahil lilikha lamang ito ng hindi magandang resulta.
Sa halip na magsampa ng reklamo laban sa China, sinabi ni Roque na makabubuting idaan na lamang ito sa pag-uusap dahil kapwa bukas naman ang linya ng dalawang bansa para ayusin ang anumang gulo o hindi pagkaka-unawaan.
—-