‘Knee-jerk reaction’ o hindi pinag-iisipang mabuti.
Ito’y ayon sa tingin ni Deputy Speaker Rufus Rodriguez hinggil sa panawagang tanggalan ng pondo ang National Task Force to End Local Community Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Ani Rodriguez, hindi makatuwirang tanggalan ng pondo ang task force nang dahil lamang sa naging pahayag ng pinuno o sinumang opisyal nito gaya ng tagapagsalita o Spokesperson.
Sa halip, ayon sa mambabatas na dapat magkaroon pa rin ng imbestigasyon kung papaano nga ba ginastos ang kanilang pondo.
Paliwanag kasi ni Rodriguez na inaprubahan ng kongreso ang P19 na bilyong pondo ng NTF-ELCAC para sa kapakinabangan ng nasa 800 malalayong barangay sa bansa na dating hindi naaabot ng pamahalaan.
Nauna rito, iminungkahi ng ilang mga mambabatas sa Senado at kamara na kanselahin ang pondo ng task force kasunod ng umano’y red tagging sa organizer ng Maginhawa community pantry.