Tinabla ng Malacañang ang panibagong panawagan para sibakin sa puwesto si Transportation Secretary Joseph Emilio Abaya.
Kaugnay ito sa hindi malutas-lutaas na problema’t mga aberyang kinahaharap ng Metro Rail Transit o MRT Line 3.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Herminio Coloma, bahala ang pangulo na magpasya kung kailan dapat manatili sa puwesto si Abaya bilang miyembro naman ng gabinete.
Hindi din umano tumitigil ang DOTC sa paghahanap ng matagalang solusyon para sa iba’t ibang problema ng mga pasahero sa Metro Manila.
Ayon kay Coloma, patuloy na ina-assess ng Pangulong Aquino ang performance ng kanyang gabinete.
Kaya’t habang wala pa itong iniaalis o pinapalitan, nangangahulugan aniyang nananatili ang kanyang tiwala at kumpiyansa sa itinalaga nito sa puwesto tulad ni Abaya.
Magugunitang muling iginiit ni Senadora Grace Poe ang pagsibak kay Abaya dahil sa pagiging inutil umano nito na malutas ang kaliwa’t kanang problema’t anomalya sa Metro Rail Transit (MRT).
By Jaymark Dagala | Aileen Taliping (Patrol 23)