Nakatakdang desisyunan ng Boracay Inter-Agency Task Force (BIATF) ang panawagan ng mga operators ng ilang commercial establishment at lokal na residente sa Boracay Island.
Kaugnay ito ng pagpapatupad ng moratorium sa pag-demolish o paggiba ng mga istrakturang nakatayo sa loob ng 25 plus 5 meter easement rule at forest land sa isla.
Ayon kay Environment Secretary Roy Cimatu, chairman ng BIATF, siyam na establisyimento sa Boracay ang natukoy na nagkaroon ng paglabag sa revised forestry code at Philippine water code.
Ito ay matapos maukupahan ng mga hindi na pinangalanang establisyimento ang bahagi ng protected forest land sa Boracay.
Sinabi ni Cimatu, nauunawaan nilang kasalukuyang sitwasyon ng mga naturang establishment operators sa gitna ng nararanasang pandemya sa bansa gayundin ang posibilidad na wala silang mapuntahan.
Gayunman, kinakailangan pa rin nilang balansehin ang paglalabas ng desisyon hinggil sa pagpapatupad ng batas.
Sa ngayon, nasampahan na rin ng National Bureau of Investigation (NBI) ng reklamo sa provincial prosecutor’s office ang mga naturang operators ng commercial establishments.