Nanindigan si Finance Secretary Benjamin Diokno na pagsasayang lamang ng pondo ng gobyerno ang pamumudmod ng financial assistance o ayuda kaugnay sa COVID-19 pandemic.
Ayon kay Diokno, dapat na itong itigil lalo’t limitado lamang ang fiscal space ng bansa.
Ipinunto ng kalihim na “fully recovered” na ang Pilipinas sa epekto ng pandemya kaya’t hindi na kailangang mamahagi ng karagdagang ayuda sa mga mahirap na pamilya.
Ang dapat anyang ipagpatuloy ay ang distribusyon ng iba pang financial assistance gaya ng social protection programs para sa senior citizens.
Sa katunayan, aminado si Diokno na pinag-iisipan na ng gobyerno na limitahan na ang bilang ng mga benepisyaryo ng ayuda sa mga mayroong national ID, bilang insentibo para sa mga kumuha nito.