Nanawagan si Deputy Majority Leader at Bagong Henerasyon Congresswoman Bernadette Herrera-Dy sa pamunuan ng DepEd na isama at gawing asignatura ng mga estudyante ang pandemic preparedness.
Ayon kay Dy, mahalagang maituro ang ‘pandemic preparedness’ mula kindergarten hanggang grade 12, para makabuo ng isang kultura sa mga mag-aaral ang kahalagahan ng pagkakaruon ng kaalaman sa pagharap sa naambang sakuna, tulad ng nangyayaring COVID-19 crisis.
Paliwanag ni Dy, maaaring gumawa ng lesson plan ang mga guro na sesentro sa mga paraang magagamit ng mga mag-aaral at miyemro ng kanilang pamilya na siya ring magiging kasangga ng mga ito laban sa mga nakaambang sakuna.
Pagdidiin pa ni Congresswoman Herrera-Dy, ang kanyang panawagan ay batay sa pahayag ng World Health Organization (WHO) at UNICEF na nais na ipaintindi sa mga kabataan ang kahalagahan ng mga ipinatutupad na safety protocols tuwing may pandemya gaya ng palagiang paghuhugas ng kamay, social distancing, at tamang paraan sa pag-ubo at pagbahing.