Handang ibahagi ng Israeli government ang kanilang estratehiya at teknolohiyang makatutulong upang labanan ng Pilipinas ang Covid-19.
Ito ang inihayag ni Israeli Ambassador to the Philippines Ilan Fluss matapos ang isang forum kaugnay sa Covid-19 pandemic na inorganisa ng Israel Chamber of Commerce of the Philippines.
Ayon kay Fluss, maraming mga “innovations at developments” na ginawa ang Israel at nais nila itong ibahagi sa Pilipinas.
Umaasa aniya silang makabibisita sa Israel sa Nobyembre ang mga eksperto mula Pilipinas upang makita nang personal ang mga estratehiyang inilatag ng Israeli government laban sa Covid-19.
Noong Hulyo ay nagtungo sa Pilipinas ang grupo ng Israeli medical experts upang magbahagi ng kanilang kaalaman kaugnay sa national vaccination campaign sa Pilipinas.
Magugunitang naging matagumpay at mabilis ang vaccination drive ng Israel matapos na mabakunahan ang 70.7 percent ng kanilang populasyon hanggang nitong October 19. –Sa panulat ni Drew Nacino