Pinakilos na ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre ang National Bureau of Investigation o NBI para imbestigahan kung nagkaroon ng pagkukulang ang National Prosecution Service matapos ibasura ang drug charges laban kina Kerwin Espinosa, Peter Lim at Peter Co at iba pa.
Ayon kay Aguirre, pina-iimbestigahan na niya sa NBI kung may paglabag sa batas ang panel of prosecutors na humawak sa nasabing kaso.
“May ibinigay akong department order sa NBI na pina-iimbestigahan ko if there is misfeasance, malfeasance or any violation of law na na-commit nitong aking mga prosecutors in issuing this resolution.” Ani Aguirre
Kasabay nito ay idinipensa rin ni Aguirre ang panel of prosecutors na humawak sa kaso.
Ayon kay Aguirre, ibinatay lamang ng prosecutors ang evaluation nito sa kaso sa mga isinumiteng ebidensya laban sa mga aksuado.
Ayon kay Aguirre, hindi naisumite ang transcript ng pag-amin ni Espinosa sa Senate hearings na isa siyang drug dealer kahit pa napakinggan ito ng prosecutors.
“Ang dapat pong ginawa dito kung meron silang abogado na nag-advise sa kanila, dapat kumuha sila ng certified true copy ng transcript stenographic notes ng testimony ni Kerwin at isinubmit nila sa National Prosecution Service, pointing out that Kerwin Espinosa admitted the trading in drugs, the evidence that could be considered are only those submitted in the prosecution.” Dagdag ni Aguirre
Ipinabatid ni Aguirre na kaagad na rin siyang bumuo ng bagong panel of prosecutors para siyang sumagot sa apelang inihain ng PNP-CIDG sa pagkaka-absuwelto kina Espinosa, Lim, Co at iba pa.
“Para maalis ang doubts, ginawa ko, pinalitan ko ang lahat ng opisyal ng panel of prosecutors, bagong prosecutors ito, pati ang mga approving authority, ang bagong panel na ito ang magreresolba nung motion for reconsideration na ifinile ng CIDG.” Pahayag ni Aguirre
(Ratsada Balita Interview)