Napili ni Pangulong Rodrigo Duterte si Presidential Legal Counsel Atty. Salvador Panelo na umupo bilang presidential spokesman at press secretary oras na matuloy ang planong pagbuwag sa Presidential Communications Operations Office (PCOO).
Ayon kay Pangulong Duterte, hindi niya na hihintayin pa ang magiging pasiya ni Presidential Spokesperson Harry Roque na una niyang inalok sa nabanggit na posisyon.
Ito aniya ay para maiwasan na ring maparalisa ang takbo ng pamahalaan.
Paliwanag pa ng pangulo, wala pang pinal na desisyon at pabago-bago ang isip ni Roque sa usapin ng pagtakbo nito sa eleksyon sa susunod na taon.
“Total tiga announce mo lang yan si Sal Panelo though sartorial elegance medyo maganda siguro tingnan if I’m going to re-organize Press secretary, kanya lahat. Tignan muna natin kung makakuha ako ng Presidential legal counsel then if he likes the job. Kaya naipit nga si Roque it’s not my fault, actually. Sabi niya tatakbo… tapos hindi tatakbo, tapos tatakbo. Ngayon, kung hindi siya tatakbo, hindi ko alam kung saan siya ilalagay.” Pahayag ni Duterte.
Samantala, inanunsyo rin ni Pangulong Duterte na kanyang gagawing consultant si PCOO Secretary Martin Andanar kapag nabuwag na ang PCOO.
“There are so many things that they have to reconfigure their programs at PTV4. Maraming baguhin diyan siguro to make it more responsive as sounding board of the Republic of the Philippines parang ganoon.” Ani Duterte.