Kumbinsido si Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na tatapusin ng Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang termino hanggang 2022.
Ayon kay Panelo, wala sa karakter ng Pangulo ang tumatalikod sa kanyang responsibilidad lalo na sa sinumpaan niyang tungkulin.
Ginawa ni Panelo ang pahayag sa harap ng panibagong pagbabanta ng Pangulo na magbibitiw ito sa puwesto.
Kasabay nito ay itinanggi ni Panelo na nais lamang impluwensyahan ng Pangulo ang magiging desisyon ng electoral tribunal sa pahayag nya na magre-resign siya kung si dating Senador Bongbong Marcos o si Senador Chiz Escudero ang papalit sa kanya sa puwesto.
Sinabi ni Panelo na maaaring ikinukumpara lamang ng Pangulo sa kuwalipikasyon ni Marcos ang kakayahan ni Vice President Leni Robredo na pamunuan ang bansa.
Matatandaan na kasalukuyang dinidinig ng Presidential Electoral Tribunal ang protesta ni Marcos laban kay Robredo.
—-