Inalmahan ng malakanyang ang pahayag ni dating bayan muna representative Neri Colmenares na posibleng kagagawan ng pamahalaan ang serye ng mga pagpatay sa Negros Oriental.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, walang basehan at malisyoso ang nabanggit na pahayag ni Colmenares.
Aniya, bahagi lamang ng propaganda ng Communist Party of the Philippines (CPP), ang mga sinabi ni Colmenares na naglalayong siraan ang administrasyong Duterte at puwersa ng pamahalaan.
Dagdag ni Panelo, mas malinaw na nasa makakaliwang grupo ang katapatan ni Colmenares dahil hindi aniya nito kinokondena ang mga brutal at iligal na gawain ng mga rebelde.
Iginiit pa ni Panelo, dapat nang tigilan ng mga makakaliwang grupo ang paninisi sa pamahalaan at tanggapin na lamang na nabigo ang kanilang rebelyon.
Magugunitang, sinabi ni Colmenares na mismong ang pamahalaan ang nasa likod ng sunod-sunod na pagpatay sa Negros Oriental kung saan mismong mga pulis ang gunmen batay na rin aniya sa salaysay ng mga testigo at paraan ng pagpatay.