Humingi na ng tulong ang Department of Education (DepEd) sa National Bureau of Investigation (NBI) para imbestigahan ang mga alegasyon hinggil sa emotional, verbal, at sexual abuse sa mga Alumni ng Philippine High School for the Arts (PHSA) sa Los Baños, Laguna.
Kasunod ito ng kumakalat na balita hinggil sa pang-aabusong nararanasan ng dating mga estudyante mula sa mga guro at staff ng naturang paaralan.
Ayon sa DepEd, nagpadala na ng liham si vice president at education secretary Sara Duterte-Carpio sa NBI para magsagawa ng comprehensive report kaugnay sa nasabing isyu.
Inatasan narin ng DepEd ang Child Protection Unit (CPU) at Child Rights in Education Desk (CREDE) na magsagawa ng kaparehong imbestigasyon.
Sa kabila nito, iginiit ng DepEd na walang puwang sa kagawaran ang anumang uri ng pang-aabuso sa mga mag-aaral.