Nanindigan ang Department of National Defense (DND) na inagaw sa kanila ng mga tauhan ng Chinese Coast Guard Vessel 5203, ang narekober nilang unidentified object malapit sa Pag-asa Island habang hinihila patungo sa Naval Station Emilio Liwanag.
Ayon kay DND Officer In Charge, Senior Undersecretary Jose Faustino Junior, mas naniniwala siya sa salaysay ng kanilang mga tauhan kaysa sa pahayag ng China.
Patuloy namang naghihintay ng impormasyon ang DND sa insidente na iniimbestigahan pa rin ng mga otoridad.
Nabatid na kahapon, iginiit ng China na hindi sapilitang kinuha ng Chinese Coast Guard sa Philippine Navy ang hindi mawaring bagay, dahil nagkaroon naman anila ng “friendly consultation” sa pagitan ng magkabilang-panig.
Tiniyak naman ni Faustino na nakikipagtulungan ang DND sa iba pang tanggapan para masiguro ang seguridad ng mga residente ng Pag-asa Island.