Hindi mai impeach ang Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa umanoy pagkakasangkot nito sa tinaguriang DDS o Davao Death Squad.
Sa kabila ito nang paglutang at testimonya ng pinuno ng DDS na si retired SPO3 Arthur Lascañas na binabayaran sila ng Pangulong Duterte ng hanggang isandaang libong Piso para patayin ang kanilang target.
Ayon kay Angkla Party List Representative Jesulito Manalo wala namang kinalaman sa trabaho ng Pangulong Duterte ang nasabing alegasyon kayat hindi ito maaaring maging ground para sa kaniyang impeachment.
Gayunman “debatable” naman na itinuturing ni Abang Lingkod Party List Representative Joseph Stephen Paduano kung mai impeach ang Pangulong Duterte dahil sa nasabing usapin.
Sinabi ni Paduana na kung isasampa sa Kamara ang impeachment complaint laban sa Pangulo, titingnan nila kung may laman ito.
Seryosong itinuturing naman ni Akbayan Party List Representative Tom Villarin ang paglutang at testimonya ni Lascañas.
Inihayag ni Villarin na napaka seryoso ng akusasyon ni Lascañas na dapat imbestigahan at mapanumpaan sa tamang forum.
Hindi aniya uubrang isantabi ang isyu ng DDS lalo nat idinadawit ng mga umaming bahagi nito ang Pangulo.
By: Judith Larino