Pangungunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ground-breaking ceremony para sa mga pabahay na inilaan ng pamahalaan para sa mga sundalo at pulis.
Matatandaang nagbigay noon ng direktiba ang Punong Ehekutibo sa National Housing Authority o NHA na humanap ng panibagong site para mapagtayuan ng proyektong pabahay para sa mga sundalo at pulis.
Ito ay matapos na angkinin ng grupong Kadamay ang nasa may 5,000 housing units sa anim na housing projects sa lalawigan ng Bulacan nitong nagdaang buwan Abril.
Kasunod nito, ipinangako ni Pangulong Duterte sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) personnel na hahanapan niya ito ng mas maganda, mas malaki at mas komportableng tahanan.
Ang bagong pabahay para sa mga pulis at militar ay matatagpuan sa lalawigan din ng Bulacan, sa ilalim ng New AFP / PNP Housing Program.