Kinumpirma ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar na pinatututukan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang information awareness sa lahat ng sulok ng bansa.
Dahil dito, sinabi ni Andanar na 80% ng kanyang oras sa susunod na 9 na buwan ng taong kasalukuyan ay kanyang itutuon sa mga lalawigan.
Ayon kay Andanar, nais kasi ng Pangulo na mabigyan ng tamang impormasyon ang mga Pilipino kaugnay sa mga ginagawa ng pamahalaan at maiwasan ang pagpapakalat ng mga mali o pekeng balita.
Matatandaan na inilunsad ng PCOO noong Pebrero ang Information Officer Convention kung saan nagsama-sama ang mahigit sa 1,800 na mga information officer para i-motivate ang mga ito sa pagpapaabot ng mga tamang impormasyon mula sa gobyerno.