Tinitimbang pa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang gagawing desisyon kung ibababa o luluwagan na ang quarantine classification na ipatutupad sa susunod na linggo sa National Capital Region (NCR) plus area.
Ayon kay Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque, nais munang mapag-aralang mabuti ng chief executive ang datos ng Health Care Utilization Rate (HCUR) mula sa mga lugar na sakop ng NCR plus na nasa ilalim ngayon ng ECQ.
Tiniyak naman ni Roque, na agad silang magbibigay ng anunsyo sakaling magbigay na ng pinal na desisyon o kautusan si Pang. Duterte.
Ito ang dahilan kung bakit naantala ang inaasahan sanang press conference at pagbibigay ng announcement ng Malakanyang para sa magiging quarantine status NCR plus sa susunod na linggo.
Ngayong Linggo, April 11, ang huling araw ng pagpapatupad ng ECQ extension sa NCR bubble na kinabibilangan ng Metro Manila, Cavite, Laguna, Rizal, at Bulacan.