Pinaiimbestigahan na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa regional offices nito ang pang-ha-harass umano ng PNP sa isang onion farmer.
Partikular na inatasan ng DILG ang Region 1 at Pangasinan Provincial Offices nito na imbestigahan ang ulat na puwersahang pina-pipirma ng mga pulis ng waiver si Nanay Merly Gallardo matapos tumestigo sa Senado kaugnay sa mala-gintong presyo ng sibuyas.
Pinaalalahan ni Interior Secretary Abalos ang pulisya na sumunod sa rule of law at magkaroon ng protocols upang maiwasan ang hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng PNP at mga sibilyan.
Dalawang araw matapos ibahagi sa Senado ang sinapit ng kanilang buhay dahil sa pagpapakamatay ng kanyang mister bunsod ng pagkalugi sa sibuyas, isinumbong ni Nanay Merly na ilang pulis ang walong beses na pumunta sa kanilang bahay sa Bayambang, Pangasinan.
Dahil dito, umalma si senator Imee Marcos at iginiit na hindi dapat paki-alaman ng PNP at national Task Force to End Local Communist Armed Conflict ang mga testigo ng mataas na kapulungan ng Kongreso.