Nagpulong na sa kauna-unahang pagkakataon si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at U.S. president Joe Biden sa “sidelines” ng 77th United Nations General Assembly (UN-GA) sa New York.
Sa kanilang paghaharap, pinapurihan ni Biden ang matatag na relasyon ng Pilipinas at Amerika na bagaman nagkakaroon ng kaunting gusot minsan, na-aayos naman anya ito lalo’t napakalalim ng ugnayan ng dalawang bansa.
Ilan anya sa patunay nito ang milyun-milyong Filipino-Americans na naninirahan at may malaki o mahalagang papel na ginagampanan sa U.S.
Umaasa si Biden na magkakaroon pa sila ng malalim na talakayan ni Pangulong Marcos sa ilan pang issue, gaya ng COVID-19 recovery at South China Sea dispute habang nagpasalamat din ang U.S. President sa posisyon ng Pilipinas sa giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Bilang tugon, nagpasalamat si PBBM sa pagkakataong makausap si Biden at aminadong marami pa silang mga paksang dapat talakayin.
Partikular na tinukoy ni Pangulong Marcos ang papel ng Amerika sa pagpapanatili ng kapayapaan sa Indo-Pacific bagay na pina-pahalagahan ng Pilipinas at iba pang bansa sa Asya.
Binigyang-diin naman ni PBBM na pagdating sa geopolitical issues, pangunahin anyang konsiderasyon ng Pilipinas at gumagabay na prinsipyo sa foreign policy ng bansa ay panatilihin ang kapayapaan.
Umaasa rin si Presidente Marcos na magkakaroon pa ng mas malalim na pagtalakay sa mga nasabing issue sa kabilang mga kinakaharap na mga hamon simula noong mga nakalipas na buwan.