Napako na ang mga ipinangako noon ng Department of Transportation (DOTr) na bago matapos ang taon ay magiging maayos na ang serbisyo ng Metro Rail Transit o MRT – 3.
Ayon kay Senate Committee on Public Services Chairperson Grace Poe, taliwas sa nakikitang sitwasyon ngayon sa MRT – 3 ang ipinangako noon ng DOTr na magiging maiksi na ang pila sa mga istasyon ng tren.
Kinuwestyon din ni Poe kung ano na ang susunod na hakbang ng DOTr matapos nitong kanselahin ang kontrata ng maintenance provider na Busan Universal Rail Incorporated o BURI.
Giit pa ni Poe, dapat ilabas ng DOTr ang kanilang emergency fund para masimulan nang masuri ng mga eksperto ang mga makikitang problema sa MRT – 3.
Hamon ni Sen. Grace Poe
Hinamon ni Senate Committee on Public Services Chairman Grace Poe ang kasalukuyang pamunuan ng MRT – 3 na patunayan nito ang kanilang kakayahan sa pamamahala ng transportasyon.
Ayon kay Poe, hindi dapat makuntento ang mga nangangasiwa ngayon sa MRT – 3 sa paninisi sa nakalipas na administrasyon kaugnay sa sunod – sunod na aberya sa operasyon ng tren at pagkaka – aksidente ng ilang pasahero.
Giit pa ng senadora, hanggang sa ngayon ay wala pang nakikitang konkretong aksyon ang publiko sa kasalukuyang pamunuan ng MRT – 3.
Kasabay nito, hinamon ni Poe si Transportation Secretary Art Tugade na pakilusin ang iba pang opisyal ng kanilang departamento para tumulong sa pag – resolba ng kanilang kinahaharap na problema sa MRT – 3.