Mananatiling suspendido ang pagpapadala ng Pilipinas ng mga manggagawa sa Saudi Arabia.
Ito’y makaraang ibunyag ni Labor Secretary Silvestre Bello, III na bigo ang Saudi Arabia na ibigay ang sahod ng nasa 9,000 OFW na aabot sa 4.6 billion pesos.
Una anyang napag-usapan at napagkasunduan ang pagbabayad sa hindi naibigay na sahod sa mga pinauwing OFW nang magtungo ang mga opisyal ng DOLE sa Abu Dhabi dialogue noong Oktubre.
Ayon kay Bello, kasama sa napagkasunduan ang pagbisita sa Pilipinas ni Saudi Labor Minister Ahmed Al-Rajhi noong December 2021 pero hindi ito nangyari.
Sa halip, ang technical working group lang ng Saudi Labor Minister ang dumating sa bansa upang talakayin ang “mega recruitment agencies.”
Samantala, inihayag din ng kalihim na iminungkahi sa kanya ng technical working group na kausapin ang justice minister ng Saudi para sa settlement ng hindi nabayarang sweldo ng mga OFW.