Pinatunayan lamang ng Pangulong Rodrigo Duterte na binasbasan ng pamahalaan ang serye ng mga patayan sa bansa na bunga ng giyera kontra droga ng administrasyon.
Reaksyon ito ni Senador Antonio Trillanes IV matapos mangako ang Pangulo na bibigyan niya ng absolute pardon ang mga pulis sa Leyte na sangkot sa pagkamatay ni Albuera Leyte Mayor Rolando Espinosa Sr.
Ayon kay Trillanes, ang pangakong pardon ng Pangulo ay kapalit ng pagsunod sa utos ng Pangulo sa pinaigting na kampanya kontra droga na nagresulta na sa libo-libong kaso ng pagpatay.
Una rito, sinabi ng Pangulo na protektado niya ang mga pulis na makakasuhan dahil sa giyera kontra droga dahil sumusunod lamang ang mga ito sa kanyang utos.
Bahagi ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte
Samantala, posibleng hindi matupad ang pangako ng Pangulong Rodrigo Duterte na bibigyan nya ng absolute pardon ang labing syam (19) na pulis sa Leyte na sangkot sa pagkamatay ni Albuera Mayor Rolando Espinosa Sr.
Ayon kay Senador Panfilo Lacson, kailangan pang magkaroon ng final conviction ang mga akusado bago sila puwedeng mabigyan ng absolute pardon.
Para aniya mangyari ang pangakong absolute pardon ng Pangulo, kailangang magpasok ng guilty plea ang mga akusado upang hindi na magkaroon ng mahabang paglilitis.
Susundan pa anya ito ng automatic appeal sa Korte Suprema kung saan dapat ay wala nang maghain ng pagkontra o pagkuwestyon.
Sinabi ni Lacson na dapat umasa na lamang ang mga pulis na maibaba ang desisyon ng Korte Suprema sa panahon ng Duterte administration upang matupad ng Pangulo ang kanyang pangako.
Giit ni Lacson maaaring nakapagpapalakas ng loob sa mga pulis ang pangakong pardon ng Pangulo kung maniniwala sila na maibibigay ito sa ilalim ng kanyang termino.
Gayunman, sinabi ni Lacson kung siya ay pulis ngayon, hindi na siya susuong sa mga alanganin at susundin na lamang niya ang batas sa pagganap ng kanyang tungkulin.
By Len Aguirre | Report from Cely Bueno (Patrol 19)