Nakiusap ang PNP o Philippine National Police sa publiko na huwag haluan ng pulitika ang kanilang trabaho lalo na sa kampaniya kontra iligal na droga.
Ito’y makaraang maitala ang maraming bilang ng mga nasasawi sa malalaking operasyon ng pulisya kasunod ng mga pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanilang hanay.
Ayon kay Chief Superintendent Dionardo Carlos, tagapagsalita ng PNP, wala namang kinalaman ang mga pangakong proteksyon ng Pangulo sa sunud-sunod na patayan dahil sa kanilang kampaniya.
Giit ni Carlos, legal at nakasaad sa batas ang kanilang mga ginagawang operasyon kaya’t walang dapat ika-pangamba ang publiko hinggil dito.
Maka-ilang ulit nang binabanggit ng Pangulo na kaniyang ipapardon ang sinumang pulis na mahahatulan dahil sa pagpatay alinsunod sa kaniyang atas na lipulin ang lahat ng sangkot sa iligal na droga.