Lumutang ang pangalan ni PAGCOR Chairman Alfred Lim sa imbestigasyon ng senado sa umano’y suhulan sa Bureau of Immigration.
Sa pagdinig kahapon ng Blue Ribbon Committee, sinabi ni Senador Chiz Escudero na kwestyonable ang pagdadala nina dating Immigration Deputy Commissioner Al Argosino at Michael Robles ng hinihinalang bribe money sa birthday party ni Lim noong November 27 na ginanap sa bahay niya sa Dasmariñas Cavite.
Una nang inamin nina Argosino at Robles na tumanggap sila ng 50 Milyong Piso mula sa itinuturong middleman ni gambling tycoon Jack Lam na si Wally Sombero noong nagkita-kita sila sa isang restaurant sa City of Dreams sa Parañaque City na nagsimula noong gabi ng November 26 hanggang kinaumagahan.
Sinabi ni Escudero na kahina-hinalang pinaghati-hati na nila ang pera at umuwi sa kanya-kanyang bahay ngunit nagkitang muli at bumaye papunta sa bahay ni Lim para lang doon pagsama-samahing muli ang 50 Milyong Piso.
Sa kanyang panig, sinabi ni lim na wala siyang alam sa transaksyon nina Argosino at Robles noong panahong iyon.
By: Avee Devierte