Binigyang diin ni dating Senador Kit Tatad na hindi dapat ilagay sa balota ang pangalan ni Senator Grace Poe.
Ang pahayag ay ginawa ni Tatad sa pamamagitan ng kanyang abogado na si Atty. Manuelito Luna.
Una nang nilinaw ng Commission on Elections (COMELEC) na maaaring isama ang pangalan ni Poe sa official list ng mga presidential candidate.
Maghahain din umano ng pormal na petisyon si Tatad sa komisyon para igiit ang kanyang argumento hinggil sa nabanggit na usapin.
Samantala, tatalakayin umano ng Commission on Elections COMELEC En Banc ngayong araw ang isyu kung ilalagay sa balota o hindi ang pangalan ni Senadora Grace Poe.
Ito’y kasunod na rin ng ginawang pagkansela ng dalawang dibisyon ng poll body sa Certificate of Candidacy o COC ni Poe para sa halalang pampanguluhan sa susunod na taon.
Ang pahayag ay ginawa ng mga COMELEC official matapos ang isinagawang inspeksiyon sa planta ng Smartmatic sa Taiwan kung saan ginagawa ang vote counting machines o VCM.
Ayon kay Project Manager Marlon Garcia, ang VCM na gagamitin sa 2016 elections ay mas maraming security features kumpara sa PCOS machines na ginamit noong mga nakaraang eleksiyon.
Sinasabing sa December 15 na ang deadline ng COMELEC para sa listahan ng mga kandidatong ilalagay sa balota.
Maliban sa kaso ni Poe, tatalakayin din umano ng COMELEC En Banc ang disqualification case laban kay Mayor Rodrigo Duterte.
By Jelbert Perdez