Kinumpirma ng Commission on Elections (COMELEC) na nahuli na rin ang pangalawang hacker sa kanilang website.
Sinabi ni COMELEC Chairman Andres Bautista na ang pangalawang hacker ay nasa kustodiya na ng National Bureau of Investigation o NBI at patuloy na iniimbestigahan.
Ang pagkakaaresto rito ay naganap matapos unang masakote ang unang hacker noong nakaraang linggo kung saan napag-alamang ito ay 23 taong gulang at fresh graduate mula sa isang unibersidad.
Sinabi ni COMELEC Chairman Andres Bautista na ang pangalawang hacker ay umamin aniyang siya ang nasa likod ng pag-uupload ng mga personal data ng mga botante at nakuha niya ito mula sa COMELEC website.
Kaugnay nito, nagpasalamat din si Bautista sa NBI dahil sa pagkakaaresto sa nasabing suspek.
March 27 ngayong taon nang ma-hack ang COMELEC website dahilan kung bakit hindi pa rin ngayon ito ma-open ng mga botante.
1 more suspect
Isa pang suspect sa hacking ng COMELEC website ang tinutugis na ng National Bureau of Investigation.
Napag-alaman ito sa NBI makaraang maaresto ang ikalawang suspect na umaming mastermind ng pag-hack sa website ng komisyon at nagnakaw ng 340 gigabyte ng datos mula sa COMELEC.
Ang nagpakilalang mastermind ay si Jonel de Asis, 23-taong gulang at isang IT expert na katulad rin ng unang naarestong suspek na si Paul Loui Biteng.
Sinabi ni Asis sa NBI na nais lamang nilang ipakita kung gaano kahina ang seguridad ng mga datos sa website ng COMELEC.
Inihahanda na ang kaso laban kay Asis samantalang si Biteng ay nahaharap sa kasong illegal access to computer system, data interference at illegal na paggamit ng mga gadgets na nakapaloob sa Cybercrime Prevention Act of 2012.
By Allan Francisco (Patrol 25) | Len Aguirre