Isinampa sa Kamara ang ikalawang impeachment case laban kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ang nasabing reklamo ay isinampa ni Atty. Lorenzo Larry Gadon halos isang buwan matapos ihain ng VACC (Volunteers Against Crime and Corruption) at Vanguard of the Philippine Constitution Incorporated ang unang reklamo.
Kabilang sa mga akusasyon ni Gadon ang pamemeke anito ni Sereno ng ilang dokumento sa Korte Suprema, mabagal na aksyon sa mga petisyon para sa retirement benefits ng mga mahistrado at hukom, bigong paglalabas ng kaniyang SALN at pag manipula sa shortlist ng Judicial and Bar Council para sa pansarili at pulitikal na dahilan.
Sinabi pa ni Gadon na tiwali rin si Sereno na ginamit aniya ang public funds para bumili ng 5 milyong pisong halaga ng sasakyan, pag-check in sa mga mamahaling hotel kapag dumadalo sa mga international conference at sumasakay sa business o first class trips kasama ang kaniyang staff at security gayundin ang kaniyang mga abogado.
Ang ikalawang impeachment complaint ay inendorso na ng 25 kongresista tulad nina Deputy Speaker Gwendolyn Garcia, Antipolo Congressman Romeo Acop, Quezon City Congressman Winnie Castelo, PBA Partylist Representative Jericho Nograles, Congressman Robert Ace Barbers at Manila Congressman John Marvin Yul Servo Nieto.
By Judith Larino / (Ulat ni Jill Resontoc)
SMW: RPE