Pinawi ng DOH o Department of Health ang pangamba ng publiko kaugnay sa ulat na 80 porsyento ng mga karne ng manok sa NCR o National Capital Region ang kontaminado ng campy-lobacter bacteria.
Paliwanag ni DOH Spokeman Assistant Secretary Eric Tayag, magkakaroon lamang ng malubhang epekto ang campy-lobacter sa tao kung kakaining hilaw ang mga manok.
Ani Tayag, karaniwang nakikita ang campy-lobacter sa mga bituka ng manok na mamamatay naman kung idadaan sa apoy o lulutiin ng maayos ang mga ito.
Payo pa ni Tayag, dapat ay maging maayos ang pagluluto sa mga manok at ugaliin ang paghuhugas ng mga kamay para maiwasan ang pagkalat ng campy-lobacter.
“Sa hilaw po nila kinuha yun, so talagang may makikita kang bacteria, ang gagawin mo lulutuin mo ng maigi ang kaso may mga kababayan tayong hindi marunong magluto, nagmamadali kaya ayun puwede kayong madale, para makaiwas po diyan, yung naghahanda ng manok ay dapat maalam po tsaka yung nagluluto, kapag hinawakan niyo ang manok bago kayo humawak ng ibang bagay ay maghugas po kayo ng kamay.” Pahayag ni Tayag
By Krista de Dios | Balitang Todong Lakas (Interview)