Pinawi ng Malakanyang ang pangamba ng publiko kaugnay ng pagbabalik ng Philippine National Police o PNP sa kampanya kontra iligal na droga.
Ito ay matapos na magpahayag ng pagkabahala ang grupong Human Rights Watch na muling bumalik ang patayan sa ilalim ng giyera kontra droga kasabay ng pagbabalik ng PNP.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, kanyang nauunawaan ang pangamba ng publiko dahil sa mga naitalang sunod – sunod na patayan sa mga anti – drug operation ng PNP noon.
Gayunman iginiit ni Panelo na may ipinatutupad nang reporma ang PNP at tiniyak na hindi kukunsintihin ni Pangulong Rodrigo Duterte sakaling may pag – labag ang mga ito.
Mga binuwag na drug enforcement units, muling binubuo
Muling binubuo ng Philippine National Police o PNP ang mga binuwag na drug enforcement units sa bawat istasyon ng pulis sa buong bansa.
Kasunod ito ng nalalapit nilang pagbabalik sa giyera kontra iligal na droga ng pamahalaan.
Gayunman sinabi ni PNP Spokesman Chief Superintendent Dionardo Carlos, posibleng palitan na ang mga dating miyembro ng mga bubuhaying drug enforcement units.
Samantala, nagtungo naman ang Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA sa Camp Crame para balangkasin ang operational guidelines na gagamiting gabay ng PNP sa pagbabalik nito sa war on drugs.