Pinawi ng Philippine National Police-Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) ang pangamba ng publiko hinggil sa mga napapaulat na insidente ng kidnapping sa Pilipinas.
Ito’y makaraang lumabas ang ulat na tumaas ang bilang ng mga kaso ng kidnapping sa bansa ngayong taon kung saan halos kalahati sa mga ito ay kinasasangkutan ng mga Chinese nationals.
Kasabay na rin ito ng nangyaring pandurukot sa isang babaeng Chinese national sa Makati City.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Police Lt. Col. Joel Saliba, tagapagsalita ng PNP-AKG, hindi aniya ito dapat ikabahala ng publiko dahil ginagawa ng kanilang hanay ang lahat upang maprotektahan ang mga mamamayan.
Bagamat may mga nababalitaan po tayong kidnapping at abduction, ‘wag po tayong mabahala dahil ginagawa po ng lahat ng PNP ang aming trabaho para protektaan ang ating mga mamayan,” ani Saliba.
Aniya, ang mga naturang pangyayari, partikular na ang pandurukot sa isang babaeng Chinese, ay isang isolated case lamang at may kaugnayan sa pera o pagkakautang ang posibleng motibo nito —gaya na lamang ng ibang Pogo-related at casino-related kidnapping incidents.
Patuloy naman aniya ang kanilang pakikipag-ugnayan sa Bureau of Immigration at iba pang kinauukulang ahensiya upang ma-monitor ang pagpasok ng mga banyagang turista sa bansa. — sa panayam ng Ratsada Balita.