Muling pinawi ni House Committee on Population and Family Relations Chairperson Sol Aragones ang pangamba ng publiko na malabag ang kanilang right to privacy matapos na lagdaan kahapon bilang batas ang Philippine Identification System.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Aragones tanging mga pangunahing impormasyon lamang ang laman ng Phil-ID gaya ng larawan, pangalan, tirahan, araw at lugar ng kapanganakan, edad, civil status at finger print.
Sa data base naman aniya ay optional ang paglalagay ng phone number at e-mail address.
Samantala, sinabi ni Aragones na hindi naman nakalagay sa batas na mandatory ang pagkuha ng Phil-ID.
Gayunman, mabibigo ang mga hindi kukuha nito na makuha ang serbisyong hatid ng gobyerno.
“Isang ID na lang gagamitin sa SSS, PhilHealth, GSIS, nandito na rin ‘yung sa mga senior citizen, hindi na nila kailangan na mag-present pa ng senior citizen’s ID, automatic na ito, kapag nag-apply ka ng passport sa DFA, hindi mo na kailangang mag-presinta ng authenticated birth certificate, ipapakita mo lang ito at makakapag-apply ka na, sa mga bangko na ngayon ay hinihingan tayo ng 2 valid IDs, hindi na natin kailangan mag-presinta ng 2 valid IDs, ito lang ay sapat na para makapag-transact.” Pahayag ni Aragones
Implementing Rules and Regulations
Inaasahang mailalatag na sa Oktubre ang Implementing Rules and Regulations o IRR para sa national ID system.
Ayon kay Dr. Liza Grace Bersales, National Statistician ng Philippine Statistics Authority o PSA, mayroon silang animnapung (60) araw para tapusin ang IRR upang masimulan agad ang pagpapatupad ng national ID System.
Sinabi ni Bersales na base sa kanilang pagtaya, posibleng gumastos ng tatlumpung (30) bilyong piso ang pamahalaan para mai-enroll ang humigit kumulang isandaang (100) milyong mga Pilipino kasama na ang mga dual citizens na nasa ibayong dagat.
Upang matiyak aniya na mabibigyan ng national ID ang lahat ng Pilipino, isinasaad ng batas na kailangang ang pamahalaan ang lumapit sa tao sa pamamagitan ng mobile registration.
“Ang plano dito eventually hindi kailangan ng card, kailangan maalal mo lang ang number mo at kapag pumunta ka sa isang government agency o sa bangko bigay mo lang ang number, i-scan ang biometrics mo, ‘yun na ‘yun.” Ani Bersales
National Privacy Commission
Aminado ang National Privacy Commission na hindi isandaang porsyentong hindi mananakaw ang mga personal na impormasyon ng isang tao sa ilalim ng national ID system.
Ayon kay Raymond Liboro, Chairman ng National Privacy Commission, kahit naman ang mga pinaka-sopistikadong teknolohiya ay puwedeng maging biktima ng hacking.
Isa aniya sa posibleng mangyari sa national ID ay identity theft o pagnanakaw sa personalidad ng isang tao.
Gayunman, may mga ginagawa na aniya silang hakbang kasama ang iba pang ahensya ng pamahalaan upang matiyak ang kaligtasan ng mga impormasyong maiimbak sa Philippine Statistics Authority para sa national ID.
Maliban dito, ibinabala ni Liboro na hindi simple o magaan ang mga parusang isinasaad ng batas para sa mga magkakasala sa batas.
“Marami na rin tayong mga kaparaanan, tinitignan mo rin ano ba ang maaaring maging impact ng pagpoproseso nito at ano ang mga mairerekomendang solusyon o measures, sabi ko nga ‘yung pangamba nang iba ‘yun din ang pangamba namin.” Dagdag ni Liboro
(By Len Aguirre / Ratsada Balita Interviews)