Muling kinalma ng PHIVOLCS o Philippine Institute of Volcanology and Seismology ang publiko kasunod ng magnitude 5.5 na lindol na tumama sa katimugang Luzon partikular sa bayan ng Tingloy sa lalawigan ng Batangas na umabot pa ang pagyanig sa Metro Manila at ilang bahagi ng Bulacan.
Ayon kay PHIVOLCS Director Renato Solidum, walang dapat ikatakot ang publiko sa nangyaring pagyanig at itinangging konektado iyon sa pinangangambahang ‘The Big One.’
Kaugnay nito, tatlong barangay sa bayan ng San Pascual sa Batangas ang nagdilim makaraang maputulan ng suplay ng kuryente dahil sa naturang pagyanig.
Agad namang nagsagawa ng paglilikas sa mga pasyente ng Batangas Regional Hospital sa Batangas City dahil sa sunud-sunod na aftershocks na kanilang naramdaman.
Nagtamo naman ng bahagyang pinsala ang tanyag na Minor Basilika ng St. Martin of Tours sa Taal, Batangas kung saan, nangalaglag ang mga batong adobe na bahagi ng simbahan.
“Yung sa Batangas City, may mga minor damages lang sa ilang mga building, pero so far wala pang significant damages na naiulat ang Office of the Civil Defense pero sa ngayon mag-uumaga syempre mas marami silang ma-observe magbibigay naman sila ng report, pero at intensity 6 wala kaming nakikitang significant damage.” Pahayag ni Solidum.
Samantala, nakapagtala na ang PHIVOLCS ng halos labing limang (15) aftershocks matapos ang magnitude 5.5 na lindol sa Tingloy, Batangas.
Ayon kay Solidum, posible pa ang mga aftershocks ngayon ngunit mas mahihina na aniya ang mga ito.
Tinatayang dalawampu’t walong (28) minuto matapos maramdaman ang unang pagyanig, naramdaman ang unang aftershock na magnitude 4.6 dakong alas-9:11 kagabi.
Ayon sa PHIVOLCS, nasundan pa iyon ng mga karagdagan pang pagyanig na pumalo sa pagitan ng magnitude 2.1 hanggang magnitude 4.5.
Gayunman, nilinaw ng PHIVOLCS na walang tsunami alert ang kailangang ipalabas dahil sa lupa naman ang episentro ng nasabing lindol.
By Jaymark Dagala | AR | Balitang Todong Lakas (Interview)