Pinawi ng Department of Health ang pangamba ng publiko kasunod ng pagdedeklara ng measles outbreak sa isang barangay sa Taguig City.
Ayon kay DOH Assistant Secretary Eric Tayag, nasa elimination stage na ang bansa sa sakit na tigdas at nagdedeklara agad ang ahensya ng outbreak kahit isang kaso lamang ang maitala sa isang lugar.
Gayunman, inaasahan pa rin ng DOH na madaragdagan pa ang bilang ng mga magkaka-tigdas lalo na sa mga lugar na maraming mga bata ang hindi nabakunahan laban dito.
Paliwanag ni Tayag, mabilis makahawa ang tigdas kaya patuloy ang kanilang paghimok sa mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak laban sa nasabing sakit.
Mukhang akala nila ay sakit ng tag-araw ‘yan, hindi po, nagumpisa po ‘yan ng December. Tataas pa po ‘yan, lalo na sa mga lugar kung saan maraming bata ang hindi nakakuha ng libreng bakuna. Kaya nga si Sec. Duque, nagpapaalala sa mga magulang kasi ang umpisa ng pagbabakuna niyan, 9 months, tapos inuulit uli, dalawang dose binibigay namin para sa mga 12-18 months. Ngayon doon sa mga lugar na may outbreak, sapagkat nasa elimination na tayo, kahit isang kaso lang, maituturing na itong outbreak. Pahayag ni Tayag
Muli naman tiniyak ni Tayag na ligtas ang bakuna sa tigdas bagama’t may mararamdamang mga side effects ang mga bata matapos maturukan.
Kapag nabakanuhan kayo ng measles vaccine, maaring magkaroon kayo ng sinat o mild na pantal, 2-4 days after maturukan, ‘yung iba mayroong pamumula sa injection site. Paliwanag ni Tayag