Walang banta ng terorismo sa Metro Manila.
Ito ang tiniyak ni Philippine National Police o PNP Director General Ronald Dela Rosa matapos ang magkakasunod na pagkakaaresto sa mga terorista sa Metro Manila.
Ayon kay Dela Rosa, hindi dapat maalarma ang publiko at sa halip ay magpasalamat na naaresto ang mga nagtatagong terorista at mapigilan ang mga posibleng banta sa seguridad sa kalakhang Maynila.
Kahapon, ipinirisinta ni Dela Rosa ang naarestong hinihinalang sub-leader ng Maute Group na kinilalang si Nasser Lomondot alias Muhamad.
Sinabi ni Dela Rosa na batay sa kanilang imbestigasyon na walang intensyon manggulo si Lomondot at nagtungo lamang sa Maynila kasama ang kanyang asawa para magpalamig at umiwas na rin na masangkot sa bakbakan sa Mindanao.
Gayunman hindi pa rin inaalis ni Dela Rosa ang posibilidad na nagtungo si Lomondot sa Maynila para mag-recruit ng mga bagong miyembro ng Maute-ISIS Group.
—-