Pinawi ng Department of Health o DOH ang pangamba na kumalat sa tao ang bird flu matapos makumpirma na H5N6 ang uri ng virus na kumalat sa San Luis Pampanga.
Ayon kay Health Secretary Paulyn Ubial, bagamat puwedeng mailipat mula sa manok patungo sa tao ang H5N6 na strain ng bird flu virus, bibihira pa itong nangyari kahit noong panahong lumaganap ito sa China at Vietnam.
Hindi aniya ito katulad ng H5N1 strain na kumalat maging sa tao sa iba’t ibang panig ng mundo noong 2007.
Tiniyak ni Ubial na handa sa ganitong sitwasyon ang DOH at ang Department of Agriculture o DA.
Diyan na po tayo sa paghahanda, 2004 pa po noong unang parang nagkaroon tayo ng scare, so ngayon ay talagang nakahanda na ang DA at DOH, buong bansa meron tayong negative pressure na mga rooms, meron po tayong mga testing centers.” Ani Ubial
Una rito ay kinumpirma ng DA na maaaring maipasa sa tao ang bird flu virus na tumama sa mga manok at iba pang ibon sa Pampanga.
Ito ay kasunod na lumabas na resulta ng pagsusuri ng Animal Health Laboratory sa Australia kung saan tinukoy ang strain bilang H5N6.
Ayon kay Dr. Arlene Vitiaco, pinuno ng Animal Disease Control Section ng Bureau of Animal Industry, positibong subtype ng N6 strain ang bird flu virus ngunit napakababa ng tiyansang makahawa ito.
Ang nasabing strain ng bird flu ang kumalat sa China noong isang taon subalit mababa ang mortality rate kumpara sa H5N1 strain na nagresulta sa bird flu pandemic noong 2004 hanggang 2007.
By Len Aguirre | Balitang Todong Lakas Interview | Arianne Palma