Pinawi ng ilang senador ang pangamba sa panibagong pahayag ng Pangulong Rodrigo Duterte na hindi siya magdadalawang-isip magdeklara ng Martial Law sakaling lumala pa ang problema ng illegal drugs sa bansa.
Ayon kay Senate President Koko Pimentel, sigurado namang magpapatawag ng konsultasyon ang Pangulo sakaling balakin niya ang magdeklara ng batas militar.
Dito anya puwedeng ipaalala sa Pangulo ang isinasaad ng konstitusyon na puwede lamang magdeklara ng Martial Law sa loob ng animnapung (60) araw kung mayroong invasion o pananakop at rebelyon.
Samantala, pinaghihinay-hinay naman ni Senador Panfilo Lacson ang mga nagbibigay ng komentaryo sa banta ng Pangulo.
Dapat na anyang masanay ang taongbayan sa pananalita ng Pangulo kayat mas mabuting antayin muna ang interpretasyon ng kanyang mga tagapagsalita hinggil sa ibig niyang sabihin bago magbigay ng reaksyon.
By Len Aguirre | Report from: Cely Bueno (Patrol 19)