Nilinaw ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na pawang establisado nang base militar ng Pilipinas ang mga lugar na inialok nila para paglagyan ng pasilidad ng US Armed Forces sa ilalim ng EDCA o Enhanced Defense Cooperation Agreement.
Ayon kay Col. Restituto Padilla, Spokesman ng AFP, sa mga tinukoy nilang base militar ilalagay ng US ang kanilang mga kagamitan na mahalaga para agad matugunan ang pangangailangan ng mga Pilipino sa oras ng kalamidad tulad ng nangyari noon sa Tacloban nang masalanta ito ng bagyong Yolanda.
Binigyang diin ni Padilla na sa ilalim ng EDCA, lahat ng itatayong pasilidad ng US sa loob ng kampo ng AFP ay magiging pag-aari ng Pilipinas.
Limitado rin aniya ang bilang ng mga Amerikanong sundalo na papayagang manatili sa kampo upang bantayan ang kanilang mga kagamitan.
“Ito po ay isang bilateral agreement, kung maglalagay po tayo, pag-uusapan po ito, mag-aagree po tayo pareho at tayo po ang mamamahala sa mga lugar na ini-offer natin, at gusto nilang paglagyan base sa kanilang pag-aaral na maaaring maging springboard ng tulong sa mga lugar na nangangailangan, hindi po ito permanenteng pasilidad na sila ang magmamay-ari, tayo po ang magmamay-ari nito.” Pahayag ni Padilla.
EDCA vs China?
Samantala, tinawag na overacting ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang reaksyon ng China sa EDCA o Enhanced Defense Cooperation Agreement ng Pilipinas at Estados Unidos.
Iginiit ni Col. Restituto Padilla, Spokesman ng AFP na walang pinatutungkulang kahit anong bansa nang mabuo at mapagkasunduan ang EDCA.
Una rito, sinabi ni Chinese Foreign Ministry Spokesperson Hong Lei na maninindigan ang Tsina laban sa kahit anong banta sa kanilang interes at magpapakita ng lakas militar sa pamamagitan ng pakikipagkasundo sa malalaking bansa tulad ng Estados Unidos.
“Masyado naman pong overacting ang bansang China sa mga panahong ito, batid ko po na sinabi nila na hindi sila makikialam sa mga kaganapan ng isang bansa, so kami po ay nagtataka kung bakit sila may ganyang komento, hindi po nakatuon sa anumang bansa ang ginawa nating agreement, kundi isa lang po itong tulong para mapaigting natin ang ating pagkakaroon ng alliance.” Pahayag ni Padilla.
By Len Aguirre | Ratsada Balita