Walang dapat ipangamba sa idineklarang state of lawlessness ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III sa ilalim ng state of lawlessness ay nakakatiyak ang pamahalaan na hindi malalabag ang karapatang pantao ng mga mamamayan kayat walang dapat ikabahala rito.
Sinabi ni Bello na may due process pa ring sinusunod at nakabatay naman ito aniya sa batas.
Binigyang diin pa ni Bello na ang state of lawlessness ay paraan ng ehekutibo para mapaigting ang puwersa ng pulisya at militar sa posibleng pag-atake ng Abu Sayyaf sa iba’t ibang panig ng bansa.
Naniniwala si Bello na hinding hindi magdedeklara ng batas militar ang Pangulong Duterte dahil mismong ang ina nito ay mahigpit na tagasuporta ng demokrasya.
What’s state of lawless violence?
Nakatagpo ng isa pang kakampi si Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng idineklara nitong ‘state of lawless violence’.
Kasunod na rin ito ng madugong pambobomba sa Davao na kumitil sa buhay ng 14 katao at pagkakasugat sa mahigit 70 iba pa.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Fr. Ranhilio Aquino na may kapangyarihan ang Punong Ehekutibo na maghayag ng naturang deklarasyon lalo na kapag naramdaman na ang banta ng terorismo buong bansa.
Aniya, tatlong araw na mula nang ipatupad ang ‘state of lawless violence’ pero wala namang nalalabag na karapatan ng sinuman kaya’t walang dapat ipangamba ang publiko.
Giit ni Aquino, sa ganitong estado, maaari lamang magpasaklolo ang pulisya sa militar kapag seryoso na ang problema para maibalik ang kaayusan sa lipunan.
Bahagi ng pahayag ni Dean Fr. Ranhilio Aquino
“Parang naguguluhan at parang naaalarma ang buong bansa, wala namang direct na epekto yan sa kabuhayan natin at sa mga karapatan natin, ang ibig lang sabihin niyan it can be a sign that our President will exercise yung tinatawag nating calling out powers, ang kapangyarihan niya na tawagan ang Sandatahang Lakas na siyang magpatupad ng kaayusan sa bansa.” Pahayag ni Aquino.
Samantala, pabor din si Dean Amado Valdez sa deklarasyon ng state of lawlessness ng Pangulong Rodrigo Duterte matapos ang pambobomba sa isang night market sa Davao City.
Sinabi sa DWIZ ni Valdez na mas malaya aniya ang pag-exercise of power ng Pangulo sa pagdedeklara nito ng state of lawlessness taliwas sa Martial Law at hindi naman aniya suspendido ang writ of habeas corpus.
Bahagi ng pahayag ni Dean Amado Valdez
By Jelbert Perdez | Ratsada Balita | Judith Larino | Karambola