Iginiit ni National Economic and Development Authority o NEDA Director General Ernesto Pernia na walang dapat ikabahala ang publiko sa pagpapatupad ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN Law.
Kasabay nito, kinondena ni Pernia ang mga nagsasamantala na at nagtaas na ng presyo ng mga produkto nila gayung sa susunod na dalawang linggo pa makikita ang tunay na epekto ng TRAIN bagamat January 1 ito epektibo.
Dapat aniyang magkaisa para mapalago ang ekonomiya ng bansa at mabura nang tuluyan ang kahirapan.
“Dapat magkaisa tayo sa layunin natin na palaguin ang ekonomiya para matanggal ang kahirapan at masaya ang lahat, yun naman talaga ang objective ng tax reform. Ang overall effect ng tax reform ay progressive, it will benefit the poor more than the rich.” Ani Pernia
Gayunman, inamin ni Pernia ang maliit na porsyentong epekto ng TRAIN.
“Magkaroon siguro ng kaunti pero mga 1 percent lang at sa mga mahirap naman bibigyan sila ng cash transfer na tinatawag at share term effect.” Dagdag ni Pernia
Next 5 years
Mas higit na dapat pagtuunan ng pansin ang epekto ng TRAIN sa susunod na limang taon o higit pa.
Binigyang diin sa DWIZ ni Pernia na mararamdaman ang epekto ng TRAIN makalipas ang limang taon o tinatawag na medium term kung kailan maunlad na ang mga imprastruktura sa bansa gayundin ang kalidad ng edukasyon at malawakang access sa health care.
“Kung mas maraming makuhang revenue ang gobyerno natin, ma-iimprove natin ang mga imprastraktura, ang edukasyon ng mga mahihirap, health care para madaling maka-access, dapat ang tingin natin ay hindi lang ngayon or bukas kundi what’s going to happen 2 or 3 years from now, 5 years or even longer than 5 years doon talaga mararamdaman ng tao ang benepisyo ng tax reform.” Pahayag ni Pernia
(Ratsada Balita Interview)