Pinawi ni Foreign Affairs Secretary Perfecto Yasay Jr. ang pangambang ituloy na ang pagbitay kay Mary Jane Veloso sa Indonesia.
Ayon kay Yasay, nananatiling indefinite ang pagpapaliban sa pagbitay kay Veloso hanggang sa matapos ang paglilitis sa mga nag-recruit sa kanya patungo ng Indonesia at hinihinalang nasa likod ng illegal drugs na nakuha sa kanyang bagahe.
Sinabi ni Yasay na sa sandaling ma-convict sina Kristina Sergio at Julius Lacanilao, saka pa lamang puwedeng umapela ng clemency ang pamahalaan ng Pilipinas sa Pangulo ng Indonesia.
Matatandaan na, noong Abril ng nakaraang taon ay ipinagpaliban ang pagbitay kay Veloso makaraang magkaroon ng kasunduan ang pamahalaan ng Pilipinas at attorney general ng Indonesia na pagulungin muna ang proseso ng hustisya sa Pilipinas sa kaso ng mga nag-recruit kay Veloso.
Bahagi ng pahayag ni DFA Secretary Perfecto Yasay
“Kung ang findings ng ating huwes dito ay magpapatunay na biktima lamang si Mary Jane Veloso at that point in time dahil final na ang decision ng Korte Suprema sa Indonesia, we can make another appeal for her clemency and that is the next step that will happen, but under the circumstances na lumalabas ngayon at sinasabi ng mga kritiko ng ating Pangulo, he never gave the green light for the execution of Mary Jane Veloso.” Ani Yasay.
Samantala, sinabi ni Yasay na maituturing na misrepresentation ang inilathalang balita ni Adam Harvey, ABC Correspondent sa Indonesia na nagbigay ng go signal si Pangulong Rodrigo Duterte sa Indonesia para bitayin na si Veloso.
Ayon kay Yasay, bagamat closed door ang naging pulong nina Pangulong Duterte at Indonesian President Joko Widodo, malinaw ang sinabi sa kanya ng Pangulo hinggil sa mga napag-usapan nila ni Pangulong Widodo.
Bahagi ng pahayag ni DFA Secretary Perfecto Yasay
“At ito ang sinabi kaagad ng Pangulo sa akin, “Sinabi ko kay President Widodo I respect the judicial process of Indonesia and I will respect whatever final decision that he may arrive at in so far as the case of Mary Jane Veloso is concerned”, yun ang sinabi niya sa akin, and what he said I agreed because that is the correct way to do it.” Pahayag ni Yasay.
By Len Aguirre | Ratsada Balita