(Photo From: webmd.com)
Pinawi ni Congressman Rodolfo Albano III ang pangamba na maabuso ang paggamit ng marijuana sa bansa sakaling maisabatas ang Medicinal Marijuana Bill.
Binigyang diin ni Albano na tanging gamot na magmumula sa marijuana ang pinapayagan ng kanyang panukalang batas.
Magkakaroon anya ng isang center na siyang mangangasiwa sa research at supply ng extracts na gagamitin ng mga pharmaceutical companies sa paggawa ng gamot.
Sa ilalim ng batas papayagan na rin ang mga doktor na mag-reseta ng mga gamot na galing sa marijuana at mag-import ng gamot na gawa sa marijuana basta’t may permiso mula sa Food and Drug Administration (FDA).
“Kukunin mo lang ang ingredients ng marijuana tapos ‘yung mga pharmaceutical company na mangangailangan ng gamot na ito, ipaghahalo-halo ‘yan, isasailalim sa research kung ano ang mga tamang kombinasyon ng mga gamot with medicinal marijuana, ‘yun lang naman ‘yun, parang ‘yung mga opioids karamihan diyan ‘yung sa opium hindi puwedeng in its own form kumbaga extracted lang, some ilalagay sa cough syrup, suppressant ng ubo, some para sa pain relief katulad ng morphine, ganun lang ‘yun.” Ani Albano
Umaasa si Albano na kaya pang ihabol ng Senado ang kanilang bersyon bago matapos ang 17th Congress.
Ayon kay Albano, puwede namang i-adopt ng Senado ang kanyang bersyon at amyendahan ang mga probisyong hindi sila sang-ayon upang mabilis na lamang itong maisalang sa bicameral conference committee pagkatapos ng eleksyon at bago magsara ang Kongreso.
“Prohibited pa rin ‘yung marijuana sa atin, hindi natin dini-decriminalize ang marijuana kasi baka sabihin nila ‘uy legal na ‘yan puwede na kami, kahit na maysakit ka kung may hawak ka ng raw form ng marijuana, dahon, bawal pa rin ‘yun, nagtanim ka sa loob ng bahay mo nahuli ka ng PDEA bawal pa rin ‘yun, may criminal liability ka pa rin dun.” Pahayag ni Albano
(Ratsada Balita Interview)