Pinawi ni Senate Agriculture and Food Committee Chairperson Cynthia Villar ang pangamba ng publiko na magkaroon ng rice shortage sa buong bansa.
Ito’y sa gitna ng pahayag ng National Food Authority (NFA) na kinakapos na sila ng supply ng bigas kaya’t kailangan ng mag-angkat mula sa ibang bansa.
Nilinaw ni Villar na hindi naman apektado ang buong bansa kung kapusin ng rice supply ang NFA.
Iba ‘yung NFA sa rice supply ng buong bansa. Tayo ay may sapat na supply ng rice sa buong Pilipinas dahil katatapos lang ng harvest season natin. Ngayon ang NFA, kapag wala silang enough rice supply, problema nila ‘yun, it’s just an agency of government na supposed to be may 15 days siyang buffer stock na pwedeng bilhin sa mga farmers, hanapin nila ‘yung mga farmers na magbebenta sa kanila. Pahayag ni Villar
Hindi anya dapat malito at mangamba ang publiko dahil una ng tiniyak ni Agriculture Secretary Manny Piñol na sapat ang supply ng bigas.
Ang sinasabi ni Sec. Piñol na wala po tayong shortage ng rice, you have to differentiate, iba ‘yung NFA, iba ‘yung buong Pilipinas. Huwag sasabihin ng NFA na porket wala silang rice ay may shortage na ng rice sa Philippines. Huwag mag-panic ang mga tao, maraming rice sa Pilipinas, hindi lang sa NFA ito nakukuha. Paliwanag ni Villar