Inaabangan ni Senador Sherwin Gatchalian ang ipalalabas na pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa ilang probisyon sa Tax Reform Acceleration and Inclusion o TRAIN na i-vineto nito.
Ito ay matapos na lagdaan na ni Pangulong Duterte ang batas na magpapatupad ng reporma sa pagbubuwis at 2018 national budget kahapon.
Ayon kay Gatchalian, hindi malinaw kung ano ang mga probisyon ang binanggit ng Pangulo na kanyang ibinasura kaya’t kanyang ring inihintay ang mga detalye nito.
Umaasa naman si Gatchalian na kabilang sa ivineto ni Pangulong Duterte ang coal tax na aabot sa hanggang P150 kada metro tonelada at direktang makakaapekto sa singil sa kuryente.
“Ito on record ito tinutulan ko ang coal tax dahil diretso ito sa ating electricity bill, almost 2.7 million households na 100 percent coal ang kanilang sinu-supply so ibig sabihin tataas ng halos P16 per month ang kanilang electricity bill at kung iko-compute yan per month kalahating kilong bigas na po yan.” Ani Gatchalian
Kasabay nito, pinawi ni Gatchalian ang mga pangambang posibleng tumaas ang mga pangunahing bilihin dahil sa pagpapatupad ng TRAIN.
Iginiit pa ng senador na may nakalaan ding subsidy para sa mga mahihirap na Pilipino sa pamamagitan ng pagdagdag sa pondo ng Conditional Cash Transfer o CCT.
“Meron tayong inflation target na 2 percent up to 4 percent, ngayon naglalaro tayo sa 3.5 percent ang ating inflation, kung tataas man ito hindi ito lalampas doon sa target, yung ang tinitignan dahil kapag tumaas ito ng sobrang laki talagang magkakaproblema ang ating ekonomiya, pinag-aralang mabuti, in fact matagal ang ating debate diyan.” Pahayag ni Gatchalian
***
Samantala, nangangamba naman si Senador Bam Aquino na magdudulot ng dagdag na pasanin sa mga mahihirap na Pilipino ang nilagdaang TRAIN ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Aquino posibleng magresulta sa pagtaas ng mga pangunahing bilihin at serbisyo ang nilagdaang train nang walang anumang tulong pinansiyal sa mga mamamayan mula sa pamahalaan.
Paliwanag ni Aquino, bagama’t ipinanukala ng Department of Finance o DOF ang Conditional Cash Transfer o CCT program, inamin naman ng ahensya na hindi nila kayang ipatupad ito kasabay ng implementasyon ng TRAIN sa susunod na taon.
Dagdag ni Aquino noong nasa period of amendments pa lamang sila sa nasabing batas, kanya nang ipinanukala ang agarang pagpapatupad ng CCT program para magbigay ayuda sa mga mahihirap na tatamaan ng TRAIN subali’t hindi ito tinanggap ng DOF.
Gayunman, umaasa pa rin si Aquino na mahahanapan ng paraan sa lalong madaling panahon ang sabay na pagpapatupad ng CCT Program at TRAIN.
Ratsada Balita Interview / with report from Cely Bueno