Kinalma ng Palasyo ang publiko sa posibilidad na maabuso ng mga opisyal ng barangay ang plano ni Pangulong Rodrigo Duterte na armasan ang mga ito.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, tiyak na daraan pa rin naman ito sa proseso tulad na lang ng pagkuha ng lisensya at permit to carry firearms outside residence.
Gayundin ang pagsasailalim sa neuro-psychiatric test sa mga naturang opisyal kasabay ng pagbusisi na rin sa kanilang criminal record at hindi pagbilang sa narco-list.
Magugunitang inihayag ng Pangulo kamakailan na balak niyang mamahagi ng caliber 22 na baril sa mga opisyal ng barangay upang labanan ang krimen at ipagtanggol na rin ang kanilang sarili sa pagganap sa tungkulin.
Aminado ang Malacañang na walang nakalaang pondo sa 2019 ang mga baril na planong bilhin ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa balak nitong pag-aarmas sa mga pinuno ng barangay.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, isinasapinal na ang 2019 national budget at isusumite na ito State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hulyo.
Gayunman, sinabi ni Roque na maaari pa rin ito maisakatuparan sa pamamagitan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Tiniyak naman ni Roque na may ilalatag na “safeguards” ang gobyerno para hindi maabuso ang pag-aarmas sa mga kapitan ng barangay.
Hindi rin aniya makakasama sa mga mabibigyan ng baril ang mga nanalong opisyal ng barangay na kasama sa narco-list ni Pangulong Duterte.
—-