Pinawi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pangamba ng taongbayan sa presensya ng ISIS sa Pilipinas.
Kasunod ito ng pag-atake ng ISIS sa Paris France kung saan 129 katao ang nasawi.
Pinayuhan ni Col. Restituto Padilla, Spokesman ng AFP ang taongbayan na huwag paniniwalaan ang mga kumakalat na video ng mga ISIS na andito sa Pilipinas.
Ayon kay Padilla, mismong ang mga kapatid na Muslim ang nagbigay sa kanila ng katiyakan na imposibleng kanlungin nila ang ang mga ISIS dahil magkaiba sila ng mga paniniwala.
“Napakaliit po ng presensya ng ISIS dito sa Pilipinas dahil mismo na po ang ating mga kapatid na Muslim ang nag-dedeny na hindi po tugma ang kanilang mga sinusulong na values, kasi ang tinuturo po ng ISIS ay labag sa Koran, ‘yan po ay ayon sa mga kapatid nating Muslim.” Ani Padilla.
Vs Abu Sayyaf
Samantala, tiniyak din ng Armed Forces of the Philippines na magkakaroon ng resulta sa malapit na hinaharap ang pinaigting na operasyon laban sa Abu Sayyaf.
Inihayag ito sa DWIZ ni Col. Restituto Padilla, Spokesman ng AFP matapos na matagpuan na ang labi ni Bernard Then Ted Fen sa Jolo at bilang tugon sa galit ng Malaysia dahil sa nangyari sa kanilang kababayan.
Gayunman, sinabi ni Padilla na hindi naman dapat sisihin ang Pilipinas sa nangyari kay Bernard dahil sa Sabah ito dinukot at dinala lamang sa Mindanao.
Sa ngayon, sinabi ni Padilla na 9 katao pa ang hawak ng mga kidnappers sa Mindanao, karamihan dito ay mga dayuhan.
“Kung tutuusin may pagkukulang, kung tayo ang sinisisi hindi po tayo dapat sisihin dahil nanggaling sa ibang lugar itong taong ito, patuloy po ang ating law enforcement operation at pagtugis sa mga kriminal na ito, hindi po natin ihihinto ito at paiigtingin pa natin ito, at makakaasa po ang ating taongbayan na makakarinig ng mga resulta sa mga darating na linggo.” Pahayag ni Padilla.
By Len Aguirre | Ratsada Balita