Pinawi ng Philippine National Police (PNP) ang pangamba ng publiko na posibleng samantalahin ng teroristang grupo gaya ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) ang pista ng Itim na Nazareno sa gaganaping traslacion 2016 ngayon sa Maynila.
Ayon sa PNP, nananatiling ligtas ang isasagawang traslacion ngayon dahil wala pa naman silang namomonitor na banta ng terorismo na posibleng ilunsad ng teroristang grupo.
Sinabi ni PNP PIO Chief, Chief Supt. Wilben Mayor, Strict Monitoring pa rin ang isinasagawa ng mga pulis na kanilang itinalaga partikular sa mga rutang daraanan ng prusisyon para tiyakin na maayos at payapang maiikot at maibalik sa Quiapo Church ang Nazareno.
Sinabi ni Mayor na 7,000 pulis ang nakakalat ngayon sa mga lugar na darananan ng prusisyon habang may mga CCTV camera nang nakadikit sa may 22 lugar sa loob ng pitong kilometrong lugar na lalakbayan mula Quirino Grandstand hanggang sa simbahan ng Quiapo.
By Mariboy Ysibido