Tiniyak ng pambansang pulisya na iimbestigahan nito ang ikinasang anti-criminality operations ng militar at pulisya sa tatlong bayan sa Negros Oriental.
Ayon kay P/Col. Bernard Banac, tagapagsalita ng PNP o Philippine National Police, walang magaganap na white wash sa ikinasang imbestigasyon ng kanilang Internal Affairs Service o IAS.
Layon nitong patotohanan na mali ang ibinibintang sa kanila ng mga militanteng grupo na hindi dumaan sa due process gayundin ay pinatay ng walang kalaban-laban ang 14 na magsasaka na target ng ikinasang operasyon.
Magugunitang sinibak nitong nakalipas na linggo ni PNP Chief Gen. Oscar Albayalde ang hepe ng Negros Oriental Provincial Police Office na si Col. Raul Tacaca at ang chiefs of police ng Sta. Catalina, Canlaon at Manjuyod.
Ipinanawagan din ng mga naturang grupo ang pagbibitiw ni Albayalde bagay na minaliit lamang ng PNP Chief gayundin ng Palasyo dahil sa walang batayang bintang.