Tiniyak ng pamahalaan na patuloy na pangangalagaan ang mga nalalabi pang buhay na beterano at biyuda ng mga nasawing beterano kasabay ng ika-75 anibersaryo ng pagtatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaidigan.
Sa isang pahayag sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na kanilang isasagawa ang naturang pangako sa pamamagitan ng Philippine Veterans Affairs Office.
Ayon kay Lorenzana, ngayong araw ginugunita ang 75th anniversary ng pagtatapos ng World War 2 na siyang pinakamadugong kaguluhan sa kasaysayan ng sangkatauhan kung saan milyon-milyong ang nasawi at hindi na mabilang ang naghirap.
Kaugnay nito, hinihikayat ng kalihim ang lahat na pamarisaan ang diwa ng pagiging makabayan sa pang araw-araw na buhay bilang pagbibigay pugay sa alaala ng mga nasawi sa naturang giyera.
Dagdag ni Lorenzana, dapat ding alalahanin ang mga taong lumaban para sa kalayaan ng bansa at bigyang respeto ang kanilang sakripisyo at kabayanihan.
Hiling din ng kalihim na magsilbing paalala ang okasyon para sa patuloy na paghahangad ng kapayapaan ng bawat bansa sa mundo.