Hindi trabaho para sa isang tao lang o para sa isang ‘superman’ ang pangangasiwa sa bakuna kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito ang inihayag ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto makaraang sabihan ng good luck si Task Force Against COVID-19 Chief Implementer Carlito Galvez Jr. sa karagdagang trabaho na ibinigay dito ng pangulo ang pagiging vaccine czar.
Giit ni Recto, wala ng mas bibigat na misyon sa pangangasiwa at pamamahagi ng bakuna para sa lahat.
Kaya napakabigat anya ng trabaho na ito para ibigay lang sa isang tao, hindi anya ito tungkulin para sa isang ‘superman’.
Kailangan anya ni Galvez na bumuo ng ‘Justice League’ o makakatuwang, hindi lang sa militar, kung hindi maging sa lahat ng sektor, lalo na sa mga negosyo na may supply chair expertise sa regular na pag-i-stock ng maraming produkto.
Ayon kay Recto, dapat si Galvez ay taga-kumpas lang para masiguro ang maayos na pagbili at mahusay na pamamahala at pamamahagi ng bakuna.
Malaking hamon anya ay paano dadalhin at idedeliver sa 110-milyong Pinoy sa iba’t ibag panig ng bansa ang bakuna na kinakailangang nasa subzero temperature gayung kulang tayo sa cold chain infrastructure.
Kung matagumpay anyang magagawa ni Galvez ang kanyang trabaho bilang vaccine czar, habambuhay itong pasasalamatan ng kasalukuyang henerasyon sa Vaccine Day dahil nakalaya na tayo sa COVID-19 pandemic. —ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)