Posible umanong magdulot ng problema sa baga o respiratory disease ang usok na nalalanghap mula sa paputok at fireworks.
Giit ni Dr. Lyndon Lee Suy, Tagapagsalita ng Department of Health, ang usok at air pollutant sa pagsalubong sa bagong taon ay maaaring maging sanhi ng asthma attack at iba pang respiratory problems.
Dahil dito, pinayuhan ni Lee Suy ang publiko lalo na ang mga may problema na sa baga na magsuot ng mask o magtakip ng tela sa bibig kapag lumabas ng bahay sa bagong taon.
Mas maigi rin umanong manatili na lamang sa bahay upang makaiwas sa atake sa hika.
Kapag nahirapan namang huminga ang isang tao, ipinayo ni Lee Suy na mas maiging dalhin agad ito sa ospital.
By: Jelbert Perdez